Simula noong ika-1 ng Disyembre, araw ng Sabado ay sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa exemption sa gun ban kaugnay ng 2019 midterm elections.
Ang mga aplikante ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon at mga requirement sa opisina ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP) sa Intramuros, Maynila. Tatagal ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang sa ika-29 ng Mayo 2019.
Batay sa Comelec calendar, magsisimula ang election gun ban sa ika-13 ng Enero 2019 at tatagal hanggang ika-12 ng Hunyo 2019.
Ang paglabag sa gun ban ay isang election offense batay sa Omnibus Election Code.
Lahat ng lalabag dito ay maaaring makulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi lalagpas sa anim na taon.