Pagsusulong ng small-medium sized enterprises, sentro sa pagdalo ni Pangulong Duterte sa APEC 2018

by Radyo La Verdad | November 13, 2018 (Tuesday) | 8503

Pagkatapos ng ilang araw na pamamalagi sa bansang Singapore para sa ASEAN 2018, dederetso ang delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Papua New Guinea para naman dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) 2018 mula ika-17 hanggang ika-18 ng Nobyembre.

Kasama ng punong ehekutibo ang 20 iba pang economic leaders at representatives.

Ang APEC ang isa sa pinakamahalagang economic alliance ng Pilipinas bukod sa ASEAN. Wala pang detalye kung may mga nakaschedule na bilateral meeting si Pangulong Duterte sa ibang economic leaders sa sidelines ng APEC.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Strategic Communications and Research Ernesto Abella, bukod sa usapin ng tariff at trade barriers reduction, highlight ng partisipasyon ng Pilipinas sa APEC 2018 ang pagsusulong, pagbibigay ng ibayong oportunidad at pagkakataon sa small and medium-sized enterprises. Ito ang unang pagkakataon na isagawa sa Papua New Guinea ang APEC.

Batay sa ulat, nagbigay ng ayuda ang Australia sa Papua New Guinea at isho-shoulder ang one third ng kabuuang gastos para sa APEC, gayundin sa provision ng logistics at security.

Tinatayang nasa 40 libo ang mga Pilipinong naghahanap-buhay sa Papua New Guinea at mayroon ding 200 Pilipinong kumpanya ang may operation doon.

Batay din sa DFA, may nakatakda ring pulong sa Filipino community si Pangulong Duterte sa Papua at ito ang una sa schedule ng punong ehekutibo pagdating sa naturang bansa.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,