Nanawagan si House Committee on Banks & Financial Intermediaries Chairman Henry Ong na panahon na para suspendihin muna ang fuel excise tax ngayong 2018 hanggang 2019.
Kasunod ito ng hindi pagbaba ng inflation rate ng bansa nitong nakaraang buwan at nanatili lang sa 6.7%
Si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, nanawagan naman sa pamahalaan na suspendihin maging ang 12% value added tax sa produktong petrolyo, presyo ng tubig at kuryente.
Agad na pagsasabatas naman ng Bawas Presyo bill na naglalayong amyendahan ang kasalukuyang TRAIN law ang isinusulong ni Sen. Bam Aquino.
Dito otomatikong suspindehin ang excise tax sa langis kapag lumampas ang inflation rate sa target ng pamahalaan sa tatlong sunod na buwan.
Mahigit tatlong piso ang mababawas sa presyo ng produktong petrolyo kapag sinuspinde ang excise tax na nakapaloob sa TRAIN law. 120 piso naman ang mababawas sa kada 1,000 pisong electric at water bill kapag sinuspinde ang 12% value added tax.
Ayon naman kay Vice President Leni Robredo, dapat rebyuhin ang mga subsidiya na nakapaloob sa TRAIN law lalo’t hindi pa rin bumababa ang inlfation.
Ayon kay Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo, ipaaabot niya sa Pangulo ang mga suhestiyon ng mambabatas at bise presidente.
Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang pag-apruba sa rice tarrification bill ay makatutulong para mapababa ang inflation rate sa 2019 at 2020.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )