Pagsasara ng Old Sta. Mesa Bridge sa Sabado, posibleng ipagpaliban muna

by Radyo La Verdad | September 13, 2018 (Thursday) | 3325

Inirekomenda na MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at private contractor ang pagpapaliban ng pagsasara ng Old Sta. Mesa Bridge na nakatakda sana sa Sabado.

Bunsod ito ng posibleng pananalasa ng Bagyong Ompong, hindi lamang sa mga probinsya kundi maging sa Metro Manila.

Ayon kay MMDA Special Task Force head Edison Bong Nebrija, lubhang delikado para sa mga motorista at mga residente sa lugar kung itutuloy ang paggiba sa oras na lumakas at tumaas ang tubig sa San Juan River.

Samantala, nakapwesto na sa pitong istasyon ng MMDA ang iba’t-ibang mga rescue equipment para sa agarang pagresponde sakaling manalasa ang bagyo sa Metro Manila.

Inalerto na rin ang mga rescue unit ng labing pitong local government sa Metro Manila, upang masiguro ang kahandaan sa posibleng epekto ng Bagyong Ompong.

Nakahanda na sa MMDA Metro Base ang kanilang rescue at fire truck, gayundin ang mga ambulansya.

Pati mga rubber boat, emergency lights at mga first aid treatment kit ay naiposisyon na rin ng MMDA.

Ipinag-utos na rin ng ahensya sa mga LGU ang pansamantalang pag-aalis ng mga istruktura na posibleng liparin at maperwisyo kapag lumakas ang hangin.

Tiniyak rin ng MMDA na nakahanda at maayos na gumagana ang mahigit sa 50 pumping stations sa Metro Manila upang mas mapabilis ang paghupa ng baha, sakaling lumakas ang buhos ng ulan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,