Pagsasaayos ng sewerage system sa Metro Manila, target na matapos sa 2037

by Radyo La Verdad | May 3, 2018 (Thursday) | 3193

Target ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at ng mga concessionaires nito na Maynilad at Manila Water na malagyan ng sewerage system ang buong Metro Manila at mga karatig lalawigan sa taong 2037.

Sa ngayon ay nasa 15% pa lamang ng mga customer ang nakakabit sa sewerage system at ang karamihan ay sa poso negro o septic tank napupunta ang mga waste water.

Nakapagtayo na ng mga treatment plant ang mga water concessionaires sa iba’t-ibang lugar subalit bilyong piso ang kailangan bago matapos ang proyekto.

Ayon sa MWSS, may 20 year master plan na ang sewerage system project at hindi na kailangang isara ang buong Metro Manila gaya sa Boracay para magawa ito.

Posible ring madagdagan ang singil sa tubig dahil sa pagtatayo ng mga pasilidad. Pero ayon sa mga water concessionaire, dapat ay tumulong ang iba’t-ibang sektor upang maisakatuparan ang proyekto.

May mga industrial waste din aniya na direktang nagtatapon sa mga ilog nang kanilang waste water.

Nanawagan naman ang MWSS sa publiko na ipalinis ang kanilang mga septic tank lalo na kung malapit na itong umapaw.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: ,