Muling sumalang sa witness stand si PDAF scam whistleblower Benhur Luy sa pagpapatuloy ng motion for bail ni dating APEC partylist Representative na si Edgar Valdez sa Sandiganbayan fifth division.
Sa direct examination ng prosekusyon, sinabi ni Luy na personal niyang nakita ang pagpirma ni Valdez sa endorsement letters at memorandum of agreement ng dating kongresista para sa mga proyektong sangkot ang mga bogus NGO ni Janet Lim Napoles.
Endorsement letter at memorandum of agreement ang ilan sa mga dokumentong kasama sa mga attachment para sa special allotment release order ng Priority Development Assistance Fund o PDAF ng mambabatas.
Bukod kay Luy, saksi rin umano si Napoles nang pumipirma ang kongresista sa mga dokumento taong 2007 at 2008.
Si Valdez ay kabilang sa pangalawang batch ng mga mambabatas na sinampahan ng kasong plunder at graft sa Sandiganbayan dahil sa PDAF scam.(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)