Pagpapatupad ng COVID-19 Alert Level System 4 sa Metro Manila, pinalawig

by Erika Endraca | October 1, 2021 (Friday) | 6098

METRO MANILA – Tatagal hanggang October 15 ang pilot implementation ng Alert Level System sa National Capital Region (NCR) ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kinumpirma naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na mananatili sa Alert Level 4 ang kapitolyo.

Gayunman, ang Department Of Health (DOH) ang pormal na mag-aanunsyo ng paiiraling alert level sa Metro Manila ngayong Oktubre.

Inaprubahan naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang dagdag 10 percent na indoor capacities sa dine-in services, in-person religious services, at ilang partikular na personal care services para sa fully vaccinated.

Gayundin, maaari nang mag-operate ang fitness studios at gyms subalit limitado lamang sa 20% capacity para sa mga fully vaccinated individual.

May 10% additional venue capacity din ang iba pang establisyemento na pinahihintulutan nang mag-operate.

Samantala, iiral naman ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa 11 probinsya sa bansa simula ngayong araw October 1-15.

Kabilang dito ang mga probinsya ng Apayao, Kalinga, Batanes, Bataan, Bulacan, Cavite, Lucena City, Rizal, Laguna, Naga City, at Iloilo Province.

Nasa General Community Quarantine with heightened restrictions naman ang 25 bahagi ng bansa kabilang na ang: Abra, Baguio City, Ilocos Sur, Pangasinan, Bacolod City, Capiz, Iloilo City, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, Surigao Del Sur at Davao de Oro .

Mas marami namang mga probinsya sa bansa ang na nasa ilalim ng General Commuity Quarantine at Modified MGCQ.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,