Pagpapatigil ng SHS program sa SAUCs at LUCs, posibleng magpataas sa dropout rate

by Radyo La Verdad | January 5, 2024 (Friday) | 6863

METRO MANILA – Posibleng magresulta sa pagtigil sa pag-aaral o paglipat sa pribadong paaralan ang ginawang pagpapatigil ng Senior High School Program sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) ayon sa isang Makabayan Bloc lawmaker.

Ayon kay Act Teachers’ Party-list Representative France Castro, dapat nagsagawa muna ng konsultasyon sa stakeholders ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) bago itinigil ang Senior High School Program sa SUC’s at LUC’s.

Ito ay lalo na’t mawawalan ng ayuda ang libo-libong estudyante at makikipagsiksikan sila sa mga public school.

May mga guro ring maaaring maapektuhan ang load ng kanilang trabaho.

Ayon naman kay Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas, mapipilitan ang mga estudyanteng pumasok sa mga pribadong paaralan na mas mahal ang matrikula o kaya naman ay tumigil sa pag-aaral kung kulang na kulang ang mga pasilidad sa public schools.

Naniniwala naman si Bohol 3rd District Representative Kristine Alexie Besas tutor, miyembro ng House Committee on Higher and Technical Education, ang subsidy funding lang para sa senior High School program sa SUC’s at LUC’s ang nahinto.

Kung may pagkukunan silang pondo sa ibang sources, maaring ipagpatuloy nila ang programa.

Samantala, may mga nanghihinayang naman na benepisyaryo ng senior high school voucher program ng Department of Education para sa mga kapwa nila 11th grader na apektado ng hakbang.

Anila, malaking tulong ang ayuda ng pamahalaan upang makapagpatuloy sila sa pag-aaral.

Tags: ,