Pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pinagtibay ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | June 20, 2018 (Wednesday) | 4508

Sa botong 8-6, hindi kinatigan ng Korte Suprema ang motion for reconsideration na inihain ng dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kaya’t magiging pinal na ang kanilang desisyon nitong nakaraang Mayo na nagpatalsik sa dating punong mahistrado.

Ikinatuwa naman ito ni Solicitor General Jose Calida na siyang nagsampa ng quo warranto petition laban kay Sereno.

Ikinatuwa rin ni Congressman Reynaldo Umali, chairman ng House Committee on Justice ang naging desisyon ng Korte Suprema dahil hindi na umano nila kailangan pang maghanda para sa Senate trial na tiyak na gugugol ng mahabang panahon at budget.

Mas magiging mahigpit anila sila sa pagpili at sa mga requirement gaya ng kumpletong SALN ng susunod na chief justice upang hindi na maulit pa ang nangyari sa kaso ni Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, dapat nang tapusin ang isyu at pasakop sa desisyon ng kataas-taasang hukuman.

Sa kabila nito ay muling nanindigan ang ilang senador na wala sa hurisdiksyon ng Korte Suprema ang pagpapatalsik sa pwesto ng mga impeachable officials.

Ayon kay Senator Joel Villanueva, mula pa noong una ay naninindigan na siya na sa pamamagitan lamang ng impeachment trial mapapaalis sa pwesto si CJ Sereno batay na rin sa konstitusyon.

Para kay Senator Antonio Trillanes, muli na naman aniyang nagtagumpay si Pangulong Duterte na wasakin ang isa pang tagapagtanggol ng demokrasya, ang Korte Surpema.

Simula kahapon, idineklarang bakante na ang posisyong chief justice. Ibig sabihin, maaari nang tumanggap ang Judicial and Bar Council ng mga aplikanteng nais maging punong hurado.

Kailangan namang mapunan ang nabakanteng pwesto sa loob ng 90 araw.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,