METRO MANILA – Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na kabilang sa kampanya ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang pagpo-promote sa regional products at pagtatayo ng mga imprastraktura para sa mas maayos at mabilis na pagbibiyahe ng mga turista.
Sa isang panayam, sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na para maging mas maganda ang travel experience ng mga bakasyunista o turista, kailangang i-rehabilitate ang mga paliparan ng bansa.
Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa Department of Transportation (DOTr) upang makapagbigay ng rekomendasyon kung papaano isasaayos ang interior at operasyon ng airport.
Ang DOTr aniya ang pangunahing may hurisdiksyon sa mga airport at magbibigay lamang ang tourism department ng suhestiyon kung papaano pa mapagaganda ang pasilidad.