Pagnenegosyo sa bansa, lalakas sa huling quarter ng taong 2017 – BSP

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 2301

Lalakas ang pagnenegosyo sa bansa sa huling quarter ng taong 2017. Batay ito sa inilabas na Business Expectation Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa huling quarter ng taon.

Iniugnay ng mga business firm ang kanilang tugon sa survey sa pagtaas ng bilang ng mga mamimili dahil sa holiday season, paglaki ng bilang ng mga mag e-expand ng kanilang negosyo, paggastos ng pamahalaan sa mga infrastructure project at paglawak ng export market ng bansa.

Ayon sa BSP, kung dati ay apektado ang ilang mga negosyante sa mga isyu kaugnay ng war on drugs at iba pa, hindi na ito pinapansin ngayon o nababanggit man. Nabago na anila ang mindset ng mga nagnenegosyo sa bansa.

Subalit ayon sa BSP, matapos ang taong ito pinangangambahan na hihina naman ang pagnenegosyo pagpasok ng unang quarter ng taong 2018, ito ay dahil sa marami ng gumastos sa holiday season at hindi na naka focus ang tao sa pagbili.

Pinangangambahan ring patuloy na bumaba ang halaga ng piso hanggang sa susunod na taon. Pinatunayan naman ng Department of Trade and Industry na totoong mas maraming nagnanais mag-negosyo ngayon.

Ayon sa DTI, tumaas ang bilang ng mga nag-aapply para makautang at makapag tayo ng business.

 

( Mon Joscon / UNTV Correspondent )

Tags: , ,