Paglalarawan ng time magazine kay Pangulong Duterte bilang “Strongman”, kinontra ng pangulo

by Radyo La Verdad | May 7, 2018 (Monday) | 4846

“Hindi naman ako strong man. I have never you know. I have never sent anybody to jail for criticizing me”. – Pangulong Duterte

Ito ang reaksyon ni Pangulong Rodrigo matapos na makasama sa cover ng TIME magazine noong nakaraang linggo, kung saan inilarawan ito bilang isang “Strongman” kasama nina Russian President Vladimir Putin, Hungarian Prime Minister Viktor Orbán, at Turkey President Recep Tayyip Erdogan.

Ang terminong “Strongman” ay tumutukoy sa isang political leader na gumagamit ng pwersa o military methods at inihahalintulad rin ito sa isang diktador.

Sa kanyang talumpati sa 37th Principals and Development and National Board Conference Program sa Davao City, sinabi ng pangulo na hindi siya kailanman naghari-harian at naluklok umano siya sa pwesto dahil sa kanyang pangakong labanan ang korapsyon at iligal na droga.

Sa artikulo ng TIME magazine, inilarawan si Pangulong Duterte bilang isang dating alkalde na nagsasalita umano tulad ng isang “Mob boss” sa halip na isang pangulo.

Ayon pa kay Pangulong Duterte, tatanggapin niya ang kritisismo mula sa mga kapwa niya Pilipino ngunit hindi mula sa isang banyaga.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

Tags: , ,