Paglaganap ng illegal Chinese workers sa bansa, iimbestigahan ng DOLE

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 9634

Bineperipika na ng mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang isyu kaugnay ng dumaraming bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa Pilipinas nang walang kaukulang working permit.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakatanggap na sila ng mga ulat hinggil sa anila’y paglaganap ng mga illegal Chinese worker sa Pilipinas. Dahil dito, magsasagawa ng imbestigasyon ang ahensya upang matukoy at mahuli ang mga ito.

Sa datos ng DOLE, nasa 51,980 na mga Chinese national ang nabigyan ng working permit simula pa noong taong 2015.

Nag-ugat ang isyu nang isiwalat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa isang pagdinig sa Senado na umaabot na sa halos apat na raang libo ang mga foreign worker sa Pilipinas.

Kaugnay nito, nilinaw rin ni Secretary Bello na hindi lamang ang DOLE ang ahensya ng pamahalaan na nagbibigay ng working permit sa mga dayuhan na nais magtrabaho dito sa ating bansa. Nariyan rin aniya ang Bureau of Immigration na siyang nag-iisyu ng working visa sa mga dayuhan.

Gayundin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbibigay naman ng permit sa mga mining industry. Ipinaliwanag ng DOLE na hindi basta-basta ang pagbibigay ng employment permit sa isang dayuhan.

Ayon kay Sec. Bello, aalamin nila ang compliance ng iba’t-ibang kumpanya, pati na rin ang kanilang nga regional offices hinggil sa proseso ng pagbibigay ng alien employment permits.

Sa tala ng Labor Department, umaabot na sa higit 115,000 ang mga dayuhan ang pinayagang makapagtrabaho sa Pilipinas.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,