Pagkakapasa ng Bangsamoro bill sa komite, injustice para sa SAF44- Magdalo

by dennis | May 22, 2015 (Friday) | 1846
Magdalo party-list Rep. Gary Alejano (File photo: UNTVweb.com)
Magdalo party-list Rep. Gary Alejano (File photo: UNTVweb.com)

“Injustice” sa pagkamatay ng SAF44 ang pagkakapasa ng Bangsamoro bill sa committee level, ayon kay Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na dati ring sundalo.

Sinabi ni Alejano na mag-aapat na buwan na mula ng mapatay ang 44 na SAF troopers, subalit hanggang ngayon ay wala pang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang napaparusahan at ngayon tila binibigyan pa ng gobyerno ng pabor ang rebeldeng grupo sa pagkakapasa sa kongreso ng Bangsamoro bill.

Ayon kay Alejano hanggang sa ngayon ay ayaw isuko ng MILF ang kanilang mga tauhan na sasampahan ng kaso ng DOJ dahil sa pagkakamatay ng SAF44.

“In the midst of finding justice for the SAF44 we are here pushing for something that may give primary benefits and reward to the MILF.” pahayag ni Rep. Gary Alejano ng Magdalo party-list

Pangamba ng kongresista, hangga’t nananatiling revolutionary organization at walang history sa pagpapatakbo ng gobyerno ang MILF ay hindi ito dapat bigyan ng malawak na kapangyarihan upang pamahalaan ang bubuing Bangsamoro entity.

Sinabi pa ng kongresista na hindi dapat minamadali ang pagpasa ng nasabing panukalang batas dahil nangangailangan pa ito ng masusing pagaaral lalo na sa mga kapangyarihang ibibigay sa Bangsamoro.

Subalit desidido si Ad Hoc committee chairman at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na sa lalong madaling panahon ay maisabatas ang BBL.

Itinanggi rin ni Rodriguez ang umano’y P50 million na suhol sa mga kongresistang bumoto ng papor sa pagpasa ng Bangsamoro bill.

Tags: , , , ,