Paghahain ng partylist registration sa COMELEC, hindi na palalawigin

by dennis | May 7, 2015 (Thursday) | 2834
File photo: UNTVWeb.com
File photo: UNTVWeb.com

Muling nagpaalala sa publiko si COMELEC spokesperson James Jimenez na ang huling araw ng pagpaparehistro ng lahat ng mga political parties, coalitions at political organizations na nais sumali sa halalan sa 2016 ay hanggang bukas na lamang, Mayo 8.

Ayon Jimenez, hindi na tatanggapin ang registration ng mga grupong magpapasa pagkatapos ng May 8 deadline.

“Some of them are probably asking for more time to submit but for now we are not entertaining the idea of an extension so they are going to submit their papers tomorrow and that’s it for them,” pahayag ni Jimenez.

Bagaman wala pa silang eksaktong bilang ng mga nagsumite ng registration at manifestation of intent, madami na rin umano ang nakapag-file ng rehistro sa Comelec.

Ayon pa Kay Jimenez susuriin ng Comelec ang track record ng mga naturang grupo upang matiyak na kwalipikado o karapat-dapat ang mga ito sa partylist election.

Matatandaang nagpaalala rin si Jimenez sa mga partylist group na siguruhin na ang mga mapipili nilang nominees ay tiyak na may kakayahang kumatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nakatakda naman ang filing ng Certicate of Candidacy para sa May 2016 national at local elections mula October 12 hanggang October 16,2015.(Aiko Miguel/UNTV Radio)

Tags: , ,