Paggamit ng 50% shading threshold sa manual recount ng boto nina Marcos at Robredo, isinantabi ng SC

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 5776

Nagdesisyon na ang Supreme Court (SC) sa isyu ng ballot shading threshold na dapat gamitin sa mano-manong bilangan ng boto nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos noong 2016 elections.

Sa resolusyon nitong ika-18 ng Setyembre, partially granted ang mosyon in Robredo at isinantabi ng SC na tumatayong presidential electoral tribunal ang paggamit sa 50-percent shading threshold o dapat ay kalahati ng bilog ang naitiman para mabilang ang isang boto.

Paliwanag ng SC, hindi na ginamit ang 50% na shading threshold noong 2016 elections at may bagong threshold na ginamit ang Comelec.

Pero ayon sa korte, hindi rin lubos na napatunayan ng Comelec at ng kampo ni Robredo na naitakda ang 25% na threshold bago ang halalan.

Lumalabas, ayon sa korte na 20 to 25% ang threshold na ginamit batay sa mga resolusyon at dokumentong naisumite ng Comelec.

Nagpasya ang SC na pagbukod-bukurin ang mga balota batay sa election returns o kung paano binasa at binilang ng vote counting machines.

Ngunit pauna ng korte, hindi ang threshold na ginamit ng vote counting machines ang pinal na pagbabatayan kung bibilangin ang isang boto pabor kay Marcos o Robredo.

Nilinaw din ng SC na sa ngayon ay wala pang nababawas o nadagdag na boto sa dalawang kanditato.

Dahil sa desisyon ng SC, umaasa ang kampo ni Robredo na mas mapabibilis na ang proseso ng recount.

Pero para sa abogado ni Marcos, mali ang interprestasyon ng kampo ni Robredo dahil hindi naabisuhan ang Korte Suprema sa paggamit ng Comelec ng 25% threshold at hindi ito kumpletong nasuportahan ng mga dokumento.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,