Itinuturing na makabuluhan at makasaysayan ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Israel mula ika-2 hanggang ika-5 ng Setyembre dahil ito ang kauna-unahang pagbisita ng isang Philippine leader sa bansa batay sa paanyaya ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.
Naniniwala si Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na hindi ito makakaapekto sa relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa, partikular na ang mga Arab nation na matagal nang hindi kasundo ng Israel.
Binigyang-diin ng opisyal na isinusulong ng administrasyon ang independent foreign policy ng administrasyong Duterte na friends to all, enemies to none. Ito ay upang isaalang-alang ang mga kababayang Pilipino na nananatili at naghahanap-buhay sa ibang bansa.
Sa araw ng Linggo ay lilipad patungong Israel ang delegasyon ni Pangulong Duterte.
Sa ika-6 hanggang ika-8 ng Setyembre naman didiretso ang delegasyon ng punong ehekutibo sa bansang Jordan upang paunlakan ang paanyaya ni King Abdullah II.
Samantala, kabilang naman sa mga kasunduang pipirmahan sa pagitan ng Pilipinas at ng dalawang bansa ay may kinalaman sa labor cooperation.
Mayroong 28,300 overseas Filipino worker (OFW) sa Israel samantalang 40,000 OFWs naman sa Jordan.
Ayon kay Abella, isa sa kasunduang lalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Israel ay ang labor agreement para sa mas maayos na deployment procedures at pag-aalis ng mataas na halaga ng placement fee na binabayaran ng mga OFW.
Samantalang sa Jordan naman, isa sa areas of cooperation na paiigtingin ay ang employment ng domestic workers at improvement ng working conditions ng mga OFW doon.
Inaasahan ding makikipag-pulong si Pangulong Duterte sa Filipino community sa dalawang bansa.
Kabilang din sa mga kasunduan na inaasahang malalagdaan ay may kaugnayan sa agham, agrikultura, pamumuhunan, at kalakalan.
Sa Jordan ay inaasahan din ang pagpapaigting ng defense cooperation.
( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )
Tags: DFA, israel, Pangulong Duterte