METRO MANILA – Sinuportahan ng Malacañang ang desisyon ng mga alkalde na pagbawalan ang mga menor de edad na lumabas ng bahay sa Metro Manila ngayong buwan.
“Iyong naging desisyon ng Metro Manila council na pagbawalan muna ang 18 and below, iyan naman po ay sang-ayon din doon sa discretion na ibinigay ng IATF [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases] sa mga lokal na pamahalaan.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Napagkasunduan ng metro manila council na sa halip na 15 hanggang 65 years old ang papayagang lumabas ng bahay, itinaas na sa 18 hanggang 65 years old lang ang pahihitulutan.
“Kasi yung 15 to 65, it’s a national policy. Alam naman nating karamihan sa lugar is under mgcq. Pero sa ncr po, alam naman din natin last month pa naglabas ng resolution all mayors na 18 to 65 years. So, we stick to that. “ ani MMDA General Manager, Jojo Garcia.
Paliwanag pa ng Mmda Gm Garcia, karaniwan na asymptomatic sa Covid-19 ang mga menor de edad na 15 hanggang 18 taong gulang dahil sa malakas na resistensya.
Kaya posible aniyang maging carrier ang mga ito na malaking banta sa kaligtasan ng lahat lalo pa’t tinatayang umaabot sa 2 hanggang 3 Milyon ang kanilang populasyon.
Ang desisyon na ito ay batay sa pag-aaral ng mga eksperto kabilang na ang Philippine Pediatric Society at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines.
“Tinanong namin, ano ba ang definition ng minor. Ang minor pala is 17 below. Meaning na kahit 17 years old ka, malakas katawan mo, malaki ka, ‘pag nagkasakit ka, hindi ka sa regular na doctor, sa pedia ka pa rin pupunta. So, yung desisyon po ng ating ncr mayors, dahil gcq pa naman ang NCR na 18 to 65 ang allowed, eh hindi po iyan hinugot sa kung saan yang numero na yan. May basis po yan.” ani MMDA General Manager, Jojo Garcia.
Ngunit maaari pa rin namang lumabas ang menor de edad at mga matatanda para sa essential activities.
Gaya ng pagpunta sa trabaho, pamilihan, medical facilities at kung mag-eehersisyo depende sa ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.
Nakaatang naman sa mga lokal na pamahalaan ang implementasyon ng naturang kautusan at ang parusa na ipapataw sa sinomang lalabag dito.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: Covid-19, menorde edad