Pag-iral ng La niña phenomenon, posibleng tumagal pa hanggang Mayo – Pagasa

by Erika Endraca | November 30, 2020 (Monday) | 42359

METRO MANILA – Sunod-sunod na malalakas na bagyo ang naranasan ng bansa sa mga nakalipas na buwan.

Ito ay dahil na rin sa pag-iral ng la niña na nangangahulugang mas maraming ulan ang mararanasan sa bansa.

Nag-umpisa ito sa kalagitnaan ng taong ito pero ayon sa PAGASA posibleng tumagal pa hanggang sa 2021.

“Most model show further strengthening ng la niña in November, December, January, and will likely to continue thru March, April, May 2021.” ani DOST-PAGASA Climate Monitoring And Prediction Section, Chief Ana Solis.

Posible ring magkaroon ng tinatawag na back-to-back la niña kung saan umiiral ang la niña sa magkasunod na taon.

Base sa record ng pagasa, 6 na episodes ng back-to-back la niña ang naitala mula noong 2007. Ang pinakamatindi dito ay noong taong 2010 hanggang 2011.

“So kung eto yung ipa-follow natin during the past 15 years baka magkaroon ng back-to-back la niña” ani DOST-PAGASA Climate Monitoring And Prediction Section, Chief Ana Solis.

Samantala, aalisin na sa listahan ng pagasa ang 4 na pangalan ng bagyo ngayong taon.

Base sa pamantayan ng pagasa, inaalis sa kanilang listahan ang mga pangalan ng bagyong umabot sa P1B ang naiwang pinsala sa bansa o nag-iwan ng 300 nasawi.

Sa kabuoan ay mahigit sa P42B ang halaga ng pinsalang naidulot ng 4 na bagyo.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,