Pag-iral ng amihan na magdadala ng malamig na hangin, posibleng mapaaga – PAGASA

by Radyo La Verdad | September 26, 2019 (Thursday) | 53699

Nasa 17 degress celcious ang ibababa ng temperatura sa Metro Manila base sa pagtaya ng PAGASA.

Ayon sa ahensya, mas mararamdaman ‘yan sa mga buwan ng Disyembre hanggang sa Marso. Dala ng amihan sa Pilipinas ang hangin na galing sa Siberia o mga lugar na may yelo.

Ilan sa mga malalamig na lugar ay ang nasa mga bulubunduking lugar sa Northern at Central Luzon gaya ng Baguio, Tagaytay at Tanay, Rizal.

Ayon kay Ana Solis ng Climate Monitoring ang Prediction Section o CLIMPS, wala naman silang nakikitang pagiral ng El Niño o La Niña sa mga susunod na buwan pero posible ring maging maulan sa Visayas at Mindanao.

Sa huling bahagi ng taon madalas na tumatama ang mga bagyo sa bansa at hanggang Disyembre ay posibleng nasa 6 pa ang papasok sa Philippine Area of Responsibility.

Sinabi rin ni Solis na may mga gabi namang makakaranas ng alinsangan  dahil sa panahon ng amihan.

“ ‘Yung mas maulap naman during the night isa ding factor yun kung bakit nakakaranas tayo ng mas mainit na temperatura. Pero hindi naman palaging ganun,” ani Ana Solis ng PAGASA-CLIMPS.

Pawala na rin ang epekto ng haze dahil sa pagbabago ng direksyon ng hangin.

Ayon sa PAGASA, malapit na rin ang tagulan sa indonesia kaya’t mahuhugasan na ang polusyon sa hangin na kumalat kamakailan sa ilang bahagi ng Southeast Asia.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,