Pag imprenta ng balota muling maaantala

by Radyo La Verdad | January 27, 2016 (Wednesday) | 4001

BALLOT-PRINTING
Nagdesisyon ang COMELEC En Banc na sa halip na February 1, iuurong sa February 8 ang simula ng ballot printing upang bigyan pa ng panahon ang Korte Suprema na maresolba ang mga kasong nakabinbin pa sa kanila.

Kabilang na dito ang petisyon ni Senator Grace Poe laban sa pagdiskwalipika sa kaniya ng COMELEC.

Ngunit paliwanag ng COMELEC hindi na dapat maextend pa ang nasabing schedule.

Limampu’t pitong milyong balota ang iimprenta ng COMELEC.

1 milyong balota lang ang kayang iimprenta ng 3 printer ng National Printing Office sa isang araw.

Ikinukunsidera ng poll body ang pagkuha ng karagdagang printer subalit kulang na sa panahon kung magsasagawa pa ng bidding para dito.

Pagkatapos maimprenta ang mga balota padadaanin pa ito sa ballot verification kung at isa-isang padadaanin Vote Counting Machines o VCM upang masigurong tatanggapin ng makina.

Target ng COMELEC na makapaglagay ng mahigit 300 VCM sa NPO para sa ballot verification.

Inaasahan rin ng COMELEC na matatapos ang pag imprenta sa mga balota sa April 25.

Umaasa ang poll body na walang magiging aberya habang ini-imprenta ang mga balota.

Dahil sa ika 8 ng Pebrero sisimulan ang pag imprenta sa balota, isasapinal na ng COMELEC ang listahan ng mga kandidato sa February 3.

Sa February 1 ,ipagpapatuloy ng COMELEC ang pag imprenta sa mga manual ballots na gagamitin sa ibang bansa at sa local absentee voting.

(Victor Cosare/UNTV News)

Tags: ,