Nasa sampung piso ang itinaas sa kada kilo ng asukal sa mga pamilihan.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), bumababa ang supply nito kung kaya’t nagmahal rin ang presyo sa mga pamilihan.
Dahil dito, kinailangan na ring mag-adjust ng presyo ng ilang mga produktong ginagamitan nito.
Ayon sa mga baker, pinag-aaralan pa nilang itaas ang presyo ng tinapay gaya ng pandesal at tasty.
Pero ayon sa DTI, hindi pa dapat magtaas dahil ang harina at ibang raw materials ay hindi naman tumaas ang presyo.
Ngunit upang mapunuan ang kakulangan sa suplay ng asukal sa merkado at maibsan ang epekto nito, mag-aangkat na ang mga local manufacturer.
Pumayag na ang Department of Agriculture (DA) at ang sugar regulatory administration sa panawagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na mag-angkat na ng asukal.
Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), 200 thousand metric tons ang aangkating asukal mula sa bansang Thailand at Vietnam.
Pero ayon sa isang consumer group, mas lalo pang tataas ang presyo dahil sa pagtaas rin ng presyo ng liquified petroleum gas (LPG). Tumaas ng mahigit tatlong piso ang presyo ng LPG ngayong buwan.
Ayon sa Laban Konsyumer, mas tataas pa ang presyo ng mga produktong ginagamitan ng asukal at ng LPG.
Inaasahan namang mas bababa ang presyo ng asukal kapag dumating na ang mga aangkating asukal.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )