Sa susunod na linggo ay makikipagusap ang Department of Transportation and Communication sa German supplier ng makina ng bagong bagon ng MRT upang mas mapabilis ang testing at mapaaga ang dating ng mga bagon galing China.
Bagamat gawa sa China, magmumula naman sa bansang Germany ang traction motor, gear boxes at brake system ng mga bagong tren.
Ayon sa DOTC, kinausap na nila ang German embassy upang matulungan sila na mapabilis ang pag deliver ng mga makina.
Nakatakdang isagawa ang static testing sa prototype ngayong Setyembre hanggang Oktubre habang ang dynamic testing ay gagawin simula nobyembre hanggang Disyembre.
Apat na put walong bagon ang nakatakdang dumating simula sa unang quarter ng taong 2016.
Kung ma de-deliver agad ang mga makina, posibleng mapaaga rin ang dating ng mga bagon.
Bukod sa mga bagong bagon, nakatakdang i-award ng MRT ang tatlong taong kontrata na nagkakahalaga ng 4.25 billion sa bagong maintenance provider ng MRT.
Sa ngayon ay nasa ilalim ng tinatawag na multi-discipline approach ang maintenance ng MRT, hinati sa walong aspeto ang maintenance ng mga tren.
Ginawa ang multi-disclipine approach sa mrt upang maihanda ang kukuning maintenance provider.(Mon Jocson/UNTV Correspondent)