Pag-aappoint ng OIC sa mga barangay, dadaan pa sa masusing debate sa Senado – Sen. Richard Gordon

by Radyo La Verdad | September 13, 2017 (Wednesday) | 4386

May ilang probisyon sa bersyon ng Senado sa panukalang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan elections ang iba sa ipinasang bersyon sa Kamara. Tulad na lamang ng pagpapaliban ng eleksyon sa October 2018 sa halip na May 2018 gaya sa House version.

Inilagay rin sa Substitute Bill ng Senado ang probisyon ng hold over capacity o pananatili ng mga opisyal ngunit ito ay hanggat hindi pa nakakapag-appoint ang Pangulo ng mga officer-in-charge na papalit sa kanila. Maaari ring hindi na makapagtuloy ang isang incumbent local officials kung ito ay nasa drug list.

Tutol naman dito si Senator Bam Aquino, aniya walang kapangyarihan ang Pangulo na pumili ng magiging pinuno sa barangay. Kung mayroon aniyang sangkot sa ilegal na droga, idaan ito sa imbestigasyon at proseso sa pagkamit ng hustisya.

Ayon naman sa Vice Chair ng Electoral Reforms Committee na si Senator Richard Gordon na isa sa mga nag-akda ng panukala, maglalagay pa sila ng pambalanse sa kontrobersyal na probisyon. Bukas rin ang senador sa posibilidad na makwestyon ito sa Korte Suprema, ngunit naniniwala siyang nasa kapangyarihan ito ng Kongreso.

 Dadaan pa rin naman aniya ito sa masusing deliberasyon sa plenaryo ng Senado. Kung agad na makakapasa sa senado ay pag-uusapan pa sa Bicameral Conference Committee ang ilang mga kontra probisyon ng panukala.

 

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,