DAVAO, Philippines – Mula sa dating tatlong milyong piso, itinaas na sa limang milyong piso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ibibigay umanong pabuya para sa sinomang makapagdadala sa kaniya ng mga tinagurian nitong “ninja cops”.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isinagawang mass oath-taking ng “Hugpong ng Pagbabago” regional party sa Davao City noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa punong ehekutibo, puno na siya sa mga tiwaling pulis na ilang beses na niyang pinagbantaan subalit patuloy pa rin sa paggawa ng mga kalokohan.
Ang mga ninja cop ay ang mga pulis na nagre-recycle umano ng mga nakukumpiskang shabu sa kanilang mga anti-illegal drugs operation.
Binigyan naman ng Pangulo ng 48 oras ang mga ninja cops para sumuko kung hindi ay ipahahabol ang ito sa mga kapwa pulis at aarestuhin, buhay man o patay.
Muli ring nagpahayag ang Pangulo ng pagka-dismaya sa mga military official na natuklasang sangkot sa anomalya sa AFP Medical Center.
Kamakailan lang ay sinabi ng Pangulo na nais na nitong magbitiw sa pwesto dahil sa tila hindi matapos-tapos na problema sa korapsyon at iligal na droga.
( Janice Ingente / UNTV Correspondent )
Tags: pabuya, Pangulong Duterte, “ninja” cops