P80-M umano’y PDAF ng kada kongresista na nakapaloob sa 3.35 trillion national budget, kinuwestiyon sa Senado

by Radyo La Verdad | August 30, 2016 (Tuesday) | 1250

JOYCE_PDAF
Sinimulan na sa Senado ang pagtalakay sa panukalang 3.35 trillion national budget para sa susunod na taon.

Kasabay ito ng isinasagawa ring budget deliberations sa House of Representatives.

Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Sen. Panfilo Lacson ang paglalagay umano ng tig-80 million pesos na pondo ng kada kongresista para sa kani-kanilang proyekto.

Kanina sa pagdinig, mismong si Department of Budget and Management Secretary Benjamin Diokno ang nagsabi na nagsumite ng budget proposals ang ilang congressmen na hinati sa ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon din kay Lacson, trabaho ng executive department ang paghahanda ng pondo, at hindi maaaring ire-allocate ng Kongreso ang pondo.

Sa ganitong sistema aniyakasi naabuso at nagagamit ng mga kongresista ang pondo ng pamahalaan sa kurapsyon.

Paliwanag ni DBM Sec. Diokno, may mandato ang mga kongresista para magsulong ng mga proyekto sa kanilang nasasakupan.

Nanindigan naman si sen. Lacson na hiwalay dapat ang trabaho ng ehekutibo at lehislatura sa pagpasa ng budget kada taon.

Pinuna rin ng senador ang maliit na porsiyento na natatanggap ng Local Government Units habang malaki ang naibibigay sa ibat ibang ahensya.

Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi nararamdaman ng mga komunidad ang sinasabing umuunlad na ekonomiya ng bansa.

Nabigyang linaw naman kanina walang senador ang nagpasa ng kanilang bersyon ng 80 million na pondo na ipinaloob sa 3.35 trillion national budget.Samantala, bukas muling ipagpapatuloy ang pagsisiyasat ng Senado kung saan mas titignan ng mas detalyado ang paglalaanan ng nasabing pondo.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,