Nag-inspeksyon kanina ang Quezon City Police District sa ilang tindahan ng paputok sa Araneta Center Cubao. Isa-isang sinuri ng QCPD ang mga itinitindang paputok maging ang business permit na hawak ng mga ito.
Ayon kay QCPD Chief PSSupt. Guillermo Eleazar, 69 na barangay sa lungsod ang itinalaga bilang firecracker zone. Ilan sa mga ito barangay Sangandaan, Tandang Sora, North Fairview Greater Lagro, Old Balara Batasan Hills at iba pa.
Partikular na itinalaga bilang firecracker zone, ang mga plaza, parke at iba pang open areas sa mga barangay. Nangangahulugan na dito lamang pinapayagan ang lahat ng mga nais na magpaputok sa pagpapalit ng taon.
Babala ng QCPD, ang sinomang lalabag sa firecracker ban ay huhulihin at papatawan ng kaukulang parusa.
Samantala, umaangal na rin ang ilang nagtitinda ng paputok sa lungsod dahil sa matumal na bentahan. Hindi tulad noong nakaraang taon, maaga pa lamang anila ay marami na sa kanilang mga suki ang bumibili ng mga paputok kaya mas malakas ang kanilang bentahan.
Ang iba naman sa ating mga kababayan, mas pinipili na lamang na bumili ng mga torotot dahil mas ligtas at abot-kaya itong gamitin.
Muli ring umapela ang Malacañang sa publiko na sundin ang inilabas na regulasyon upang lahat tayo ay magkaroon ng isang mapayapa at ligtas na bagong taon.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: Araneta Center Cubao, firecrackers ban, QCPD