P400,000 cash donation, natanggap na ng “Save the Children” bilang benepisyaryo ng Wish Music Awards

by Radyo La Verdad | January 26, 2018 (Friday) | 6313

Bukod sa mga mahuhusay na OPM Artists, wagi rin sa 3rd Wish Music Awards ang mga charitable institution na napili ng mga nominado.

Isa na rito ang “Save the Children-Philippines Organization”, ito ay isang independent children’s organization sa bansa na naitatag noong 1981 na tumutulong na maipagkaloob ang mga pangangailangan ng mga batang kapus-palad tulad ng edukasyon, maayos na kalusugan at iba pa.

Ito ang benepisyaryong napili ng Wish Music Awards winners na sina Moira dela Torre, KZ Tandingan, Michael Pangilinan at ng grupong Extrapolation.

Tinanggap na ng grupo ang P400,000 cash prize na personal na iniabot nina BMPI Chairman Kuya Daniel Razon at Vice President for Radio Bong Etorma.

Labis naman ang pasasalamat ng mga ito sa pagkakaroon ng award-giving body na tumutulong sa mga nangangailangan. Sa labing isang benepisyaryo, pinakamalaki ang natanggap ng Save the Children Organization.

Ang iba pang nagwaging charitable institutions ay ang Bukas-palad Foundation Inc., Cancervants Ph, Child Haus, Cribs Foundation Inc., Inspire Church Metro Manila, The Philippine Animal Welfare Society, Sto. Niño Home for the Aged, Meritxell Children’s World Foundation, Teach for the Philippines at Visayan Forum Foundation Inc.

Sa taong ito, ang Wish Music Awards ay nagkaloob ng 2.1 million pesos para sa mga nanalong artists at kanilang beneficiaries.

Mula noong unang Wish Music Awards, kabuuang 4.875 million pesos na ang naibigay ng WISH 107.5.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,