Labing anim na milyong halaga ng sibuyas ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Terminal (MICT). Itinago sa likod ng mga kahon ng mansanas ang pulang sibuyas upang maipuslit ito sa pantalan.
Napag-alaman na misdeclared agricultural products ang shipment mula sa ASD Total Package Enterprises Inc.
Dumating ang walong containers na naglalaman ng mga misdeclared items noong ika-14 ng Agosto.
Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, hindi idinideklara ng tama ang mga produkto upang makalusot sa pagbabayad ng tamang duties at taxes ang mga trader.
Samantala, nasabat rin ng BOC ang shipment ng mga smuggled na sigarilyo galing China na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso. Ang mga sigarilyo ay walang graphic health warning sign at wala ring maayos na dokumento.
Ayon kay Lapeña, sisirain at susunugin ang nakumpiskang mga sibuyas at sigarilyo dahil ito ay itinuturing na mga prohibited items.
Sasampahan ng kaso ang may-ari ng shipment maging ang customs broker nito dahil sa paglabag sa Custom Modernization and Tariff Act.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: BOC, MICT, smuggled na sibuyas