Pasado na sa committee level ng Kamara ang dagdag na pondong hiniling ng Department of Health (DOH) para sa 800 libong mga batang naturukan ng Dengvaxia.
1.16 bilyong piso ang hiling na karagdagang pondo ng DOH. Kukunin ito mula sa refund ng Sanofi Pasteur sa mga hindi nagamit na Dengvaxia vaccines.
945 milyong piso ng kabuoang pondo ay gagastusin para sa mga batang magkakaroon ng sakit at komplikasyon.
Pasok din nito ang assistance para sa 87 batang iniuugnay ang pagkasawi sa Dengvaxia, base sa datos ng DOH.
78 milyong piso ay ilalaan para sa monitoring sa mga naturukan ng Dengvaxia, 70 milyong piso na pambili ng mga medical supplies at gamot.
67 milyong piso naman ay para sa pagdedeploy ng dagdag na personnel sa iba’t-ibang lugar na aasiste sa mga pasyente.
Ang ilan sa mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia ay umaasa na mas mapapabilis na ang pagbibigay ng tulong sa kanila.
Una nang dineklarang certified urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihinging supplemental budget ng DOH.
Ibig sabihin, oras na maikalendaryo na ito sa plenaryo, maaari na itong ipasa ng Kamara sa 2nd at 3rd hearing sa loob lamang ng isang araw.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: Dengvaxia, DOH, supplemental budget