Operasyon ng mga iligal na towing companies sa Makati City, nahuli sa akto ng MMDA

by Radyo La Verdad | June 21, 2018 (Thursday) | 3458

Sinugod kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang lugar sa Makati City kung saan nagte-terminal ang mga iligal na towing truck.

Napag-alaman ng MMDA na nagpapakilala umano ang mga ito na accredited towing trucks ng ahensya at naniningil umano ng hanggang sampung libong piso sa driver ng mga sasakyan na kanilang hinahatak.

Subalit sa halip na dalhin sa impounding area ng MMDA sa Tumana, Pasig City sa mismong lugar na umano dinadala ng mga iligal na operator ang mga sasakyan na kanilang tino-tow.

Paalala ng MMDA, mag-ingat sa mga iligal na towing services na nagsasamantala sa mga motorista.

Samantala, limang bus terminal naman sa Pasay City ang ipinasara ng MMDA dahil sa umano’y paglabag sa nose in, nose out policy.

Wala rin umanong kaukulang permit ang mga ito mula sa lokal na pamahalaan ng Pasay City kaya’t dapat na anilang maipasara.

Bukod sa marumi, wala ring sapat na pasilidad ang mga ito para sa kanilang mga pasahero.

Tiniyak naman ng MMDA na hindi na muling makakapag-operate ang mga naipasarang bus terminal, maliban na kung susunod at aayusin ng mga ito ang kanilang terminal.

Ang sinomang lalabag ay sasampahan ng kaukulang reklamo ng MMDA.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,