Naniniwala si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez na hindi dapat limitahin ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng batas. Kaya sinusuportahan nito ang panukalang magkaroon ng presensya ng mga pulis sa loob ng mga campus at unibersdidad upang maiwasan ang recruitment ng New People’s Army o NPA sa mga mag-aaral.
Ayon kay Sec. Carlito Galvez, Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity “Ang ini-exploit ng CPP-NPA is walang counter presence so they can manipulate that disadvantage. We have to allow, kasi if we will not allow it, the people will be deprived of security lalo na ngayon, ang daming recruitments sa mga students.”
Dagdag pa ng opisyal, dapat din aniyang ikunsidera na amyendahan ang kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines at Pamahalaan noong 1989 na hindi nagpapahintulot sa mga tauhan ng Militar at Pulisya sa loob ng mga campus nito liban na lang sa mga kaso ng hot pursuit at emergency situation.
Lalo na’t iba na aniya ang security situation noon kaysa ngayon na nagiging international na ang shooting incidents kabilang na sa loob ng mga paaralan.
“I believe with the cycle of violence, in the world na nagbabago na, it’s becoming likely, the terrorism can be made by lone wolf, nakikita natin yan” dagdag ni Sec. Carlito Galvez.
Samantala, inihayag din ni Secretary Galvez na nasa 13 libo nang miyembro at supporter ng npa sa buong bansa ang sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan sa mga nakalipas na taon.
At higit isang daan naman ang inaasahang susuko bago matapos ang taon lalo na’t patuloy ang ginagawang pakikipagnegosasyon ng mga Lokal na Pamahalaan sa mga Rebeldeng Komunista.
(Rosalie Coz | UNTV News)