NRRMC, naka-red alert status na kauganay ng Bagyong Rosita

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 1983

Naka-red alert na ang National Disaster Risk Reduction and Management Office bilang paghahanda sa pagtama ng Bagyong Rosita sa bansa.

Maging ang RDRRMC ng Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at CAR ay naka-red alert status na rin sa ngayon. Inaasahan ang landfall ng Bagyong Rosita sa mga apektadong lugar ngayong araw.

Ayon kay NDRRMC Spokesman Dir. Edgar Posadas, nagsawa na rin sila ng pre-disaster risk assessment noong ika-27 ng Oktubre at kahapon.

Isa sa senaryong kanilang pinaghahandaan ang posibilidad ng pagkakaroon ng landslide at 3 meter storm surge sa ilang lugar sa Northern at Central Luzon dahil sa Bagyong Rosita, partikular na sa coastal areas ng Isabela, Cagayan, Aurora, Ilocos Sur, Ilocos Norte at La Union.

Kaya naman kahapon pa lang ay activated na ang kanilang response cluster.

Mas mahigpit na rin na binbantayan ngayon ng NDRRMC kung natanggap ba at naipatutupad ng mga local government unit ang kanilang memo para sa disaster response at pre-emptive measures sa mga lugar na maapektuhan ng Bagyong Rosita. Ito ay upang maiwasan na ang matinding pinsala gaya ng idinulot ng Bagyong Ompong.

Kaugnay nito, nagbabala naman ang Malacañang sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na hindi personal na tututok sa sitwasyon ng kanilang lugar na posibleng lubhang maapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Rosita.

Matatandaang ilang mayors sa Northern Luzon ang inireklamo, iniimbestigahan at pinasasampahan ng administrative charges dahil sa kanilang absence ng tumama ang Bagyong Ompong sa kanilang lugar.

Ayon din kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, posible rin aniyang magtalaga si Pangulong Duterte ng cabinet member na personal na bibisita at tututok sa sitwasyon ng mga maaapektuhang lugar ng bagyo.

Pinapayuhan ng NDRRMC ang publiko na lumayo sa coastal areas at dagat. Otomatiko ring kanselado ang marine activities.

Pinapayuhan din ang DILG at LGU na tutukan ang tourist destinations upang matiyak ang kaligtasan ng lahat maging ng mga turista.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,