Non-stop premium bus service ng LTFRB hindi masyadong tinangkilik ng mga commuter

by Radyo La Verdad | December 8, 2015 (Tuesday) | 1762

PREMIUM-BUS
Fully operational na ang non-stop premium bus service ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board simula pa noong sabado.

Ito ay point to point bus service na maaari lamang magsakay ng pasahero sa mga itinalagang bus terminal sa Quezon City at magbababa sa mga designated bus stop sa Ayala, Makati.

May tatlong ruta ang premium buses, Trinoma Mall hanggang Park Square sa Ayala, SM North EDSA hanggang Glorietta 5 at SM Megamall hanggang Park Square.

Ang first trip ng mga premium bus ay 6:15am mula lunes hanggang biyernes, 9:15am naman tuwing sabado, linggo at holidays habang 9pm naman ang last trip araw-araw

Mula naman sa 50 hanggang 80 pesos na pamasahe sa mga premium bus ay ibinaba na ito ngayong hapon sa 60-40 pesos upang makahikayat ng mas maraming pasahero.

Ngunit kung tutuusin, mas mataas pa rin ito kumpara sa pamasahe sa mga regular aircon bus.

Hinihikayat ng ltfrb ang lahat ng mga may ari ng mga sasakyan na sumakay sa premium bus upang makatulong na mabawasan ang sasakyan sa lansangan ngayong holiday season

Subalit gaya ng inaasahan, hindi pa ito tinangkilik ng publiko, katunayan wala pa sa sampung tao ang sumakay sa premium bus na biyaheng Trinoma hanggang Park Square sa Ayala, hindi naman pwedeng magsakay ng pasaheroang bus maliban sa mga itinalagang lugar ng DOTC.

Ayon naman kay Elvira Medina ng National Council for Commuters Safety and Protection, kulang sa information campaign ang proyekto.

Dapat malagyan rin ng malaking signage ang bus na nagsasabing ito ay premium bus kabilang na ang ruta at halaga ng pasahe.

Subalit ang pinaka mahalaga ay ang makapag talaga ng designated lane para sa mga premium bus upang mas maging mabilis ang byahe.

Hinihiling ng commuter group na magamit ang dating APEC Lane para sa mga premium bus

Binigyan ng LTFRB ang mga premium bus ng permit na makapag operate hanggang January 6 sa susunod na taon.

Kung magiging matagumpay, plano ng LTFRB na gawin ng regular ang operasyon ng premium bus. (Mon Jocson/UNTV News)

Tags: , ,