Nicanor Faeldon, nanumpa na bilang bagong hepe ng BuCor

by Radyo La Verdad | November 21, 2018 (Wednesday) | 13970

Muling itinalaga sa bagong posisyon ang dating deputy administrator ng Office of Civil Defense at Bureau of Customs Commissioner na si Nicanor Faeldon.

Kahapon nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang appointment papers ni Faeldon at ipinadala sa Justice Department kaninang umaga.

Tumanggi nang magpaunlak ng panayam sa media si Faeldon kanina. Nakatakda ang turnover ceremony sa susunod na linggo.

Ayon kay DOJ Spokesperson Markk Perete, sa pag-uusap ni Guevarra at Faeldon ay natalakay ang mga plano at prayoridad nito sa ahensya tulad ng problema sa iligal na droga, congestion, seguridad ng mga inmates at maging posibilidad ng paglipat ng ilan nitong pasilidad sa ibang lugar.

Nasa 27 libo ang inmates sa New Bilibid Prison (NBP) kaya’t napag-usapan ang posibilidad na ilipat ang ibang bilanggo sa ibang pasilidad na nasa ilalim ng pamamahala ng BuCor.

Ilang beses nang nagpalipat-lipat si Faeldon ng pwesto sa pamahalaan.

Noong nakaraang taon ay nagbitiw ito bilang Customs chief sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng 6.4 billion peso shabu shipment na nakalusot sa kawanihan.

Idinetene pa ang opisyal sa Senado matapos tumangging humarap sa mga follow-up hearings ukol sa drug smuggling at maanomaalyang kalakaran sa BOC.

Noong nakaraang Disyembre, na-appoint naman ito bilang bilang deputy administrator ng Office of Civil Defense.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,