Nasawing detainee ng Novaliches police, binugbog ayon sa QCPD ; 2 suspek kinasuhan na

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 3811

Sa kwento ng mga nakasama ni Genesis “Tisoy” Argoncillo sa loob ng detention cell, paikot-ikot daw ito nang matapak-tapakan ang paa ng mga miyembro ng sputnik gang, dahilan kung bakit siya binugbong ng mga ito.

Si Tisoy ang isa sa mga tambay na hinuli ng Quezon City Police sa Barangay Sauyo, Novaliches Quezon City noong ika-15 ng Hunyo at nasawi noong ika-18 ng Hunyo.

Ayon kay QCPD Director Police Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr, hawak na nila ang dalawang suspek na sina Richard Bautista at Justine Mercado na ngayon ay nahaharap sa kasong murder.

Hindi napansin ng mga pulis na nagbabatay sa kulungan ang nangyaring pambubugbog kay Tisoy dahil pilit itong itinago ng mga suspek.

Limang tauhan ng QCPD Station 4 ang ni-relieve sa pwesto dahil sa insidente kabilang ang station commander nito.

Hindi naman kumbinsido sa nagiging takbo ng imbestigasyon ang kaanak ni Tisoy. Naniniwala ang kapatid ng biktima na si Marilou na may naging kapabayaan ang mga pulis.

Nagpahayag naman ang Public Attorney’s Office (PAO) na handa nilang tulungan sa pagsasampa ng kaso ang pamilya ni Tisoy.

Si Quezon City Rep. Kit Belmonte naman, naghain na ng resolusyon sa Kamara para imbestigahan ang pagkamatay ni Tisoy. Sa ngayon ay nakaburol ang labi ni Tisoy sa kanilang bahay.

Samanatala giit ng QCPD, hindi sila titigil sa panghuhuli ng mga tamabay na lumalabag sa mga ordinansa gaya ng pagtambay sa kalsada ng walang suot na pang itaas na damit, pagsipol sa mga kababaihan at pagihi, pag inom at paninigarilyo sa mga pampublilkong lugar.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,