Binawian na ng buhay sa ospital ang isa pang biktima ng nangyaring pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong Martes ng gabi.
Una nang nacomatose si Wel Mark John Lapidez matapos magtamo ng shrapnel sa utak. Sa pagpanaw ni Lapidez, umakyat na sa tatlo ang nasawi sa nangyaring bombing incident.
Itinanggi naman ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sila ang nasa likod ng pambobomba.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Abu Mismi Mama, pinagbintangan lang sila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para magalit sa kanila ang mamamayan. Nais lang din aniya ng pamahalaan na palawigin pa ang batas militar sa Mindanao.
Naniniwala rin si Mama na hindi ang grupo ni Abu Turaife ang nagpasabog sa bayan ng Isulan.
Ngunit positibo naman ang mga otoridad at maging ang lokal na pamahalaan ng Isulan na ang ISIS-inspired terrorist group na BIFF ang may pakana ng pagsabog.
Nais anilang sirain ng grupo ang nagpapatuloy na peace process sa Mindanao sa pamamagitan ng Bangsamoro Organic Law.
Samantala, binisita rin ni PNP Chief Oscar Albayalde ang blast site.
Una nang ipinag-utos ng hepe ng pambansang pulisya na itaas ang alerto ng mga pulis sa buong Mindanao kasunod ng insidente.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )