Nasa P3M halaga ng beauty products na hindi aprubado ng FDA, kinumpiska ng QCPD

by Radyo La Verdad | February 21, 2018 (Wednesday) | 2679

Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Quezon City Police District at Food and Drug Administration ang isang bahay sa Brgy. Paltok sa Quezon City kahapon ng umaga. Ang target ng grupo , ang bahay ni Lilian Marte.

Sa bisa ng search warrant na ini-issue ni Judge Lyn Ebora-Cacha ng Quezon City Trial Court Branch 82, pinasok ang bahay ni Marte at doon na tumambad ang kahon-kahong imported na beauty products at injectible vitamins.

Ayon kay QCPD Director Police Chief Superintendent Guilermo Eleazar, nakapagsagawa na sila ng test buy sa suspek at ipinasuri na nila ito sa FDA bago ang nasabing operasyon.

Aminado naman ang suspek na hindi aprubado ng FDA ang kanilang produkto na binibili lamang nila online at ibinebenta rin nila ng online.

Ayon sa FDA, mapanganib na gamitin ang anomang uri ng gamot na hindi dumaan sa kanilang pagsusuri at hindi tama ang pag-iimbak.

Dadaan sa pagsusuri ng FDA ang mga nakumpiskang gamot at ipinagpapatuloy ang imbestigasyon sa supplier nito.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,