MRT-3 at LRT-1 may handog na libreng sakay bukas

by Radyo La Verdad | June 11, 2018 (Monday) | 5234

Magbibigay ng libreng sakay para sa mga pasahero ang MRT Line 3 at LRT 1 bukas kaalinsabay ng paggunita sa ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan o Independence Day.

Sa abisong inilabas ng pamunuan ng dalawang railway system, libreng makakasay ang mga pasahero simula alas-siyete hanggang alas nuebe ng umaga at alas singko ng hapon hanggang alas siyete ng gabi.

Bukod sa libreng sakay, isa namang malawakang job fair ang isasagawa bukas ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Aabot sa halos isang daan at dalawampu’t limang libong mga  trabaho ang maaring aplayan ng ating mga kababayan.

Ayon sa DOLE, higit anim na pung libo sa mga ito ay mga lokal na trabaho.

Mahigit limampung libong job offers para sa mga nais na mag-abroad, at higit pitong libong posisyon para sa mga ibig na magtrabaho sa gobyerno.

Kabilang sa mga lokal na trabahong iniaalok ay ang construction worker, customer service representative,company driver, service crew, production worker at sales agent.

Pinaka in-demand sa mga bakanteng posisyon abroad ang nurse, engineer, technician, butcher, hospital worker, carpenter at sales personnel.

Naka-base ang mga trabaho ito sa mga bansa gaya ng New Zealand, Japan, Malaysia, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, at Oman.

Idaraos ang Independence job fair sa iba’t-ibang mga lugar sa bansa na lalahukan ng higit anim na raang mga employer.

Para sa mga nasa Metro Manila, isasagawa ang job fair bukas sa Senior Citizens Garden sa Rizal Park sa Maynila.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,