Motorcycle rider na nabangga ng dump truck sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | August 30, 2017 (Wednesday) | 3144

Nakahandusay pa sa kalsada ang isang lalaki nang datnan ng UNTV News and Rescue Team matapos mabangga ng dump truck ang kanyang minamanehong motorsiklo sa Visayas Corner Congressional Ave. sa Quezon City pasado alas dies kagabi.

Hindi makakilos ang biktima na si Glen Erlano, quarenta y uno años dahil sa mga tinamo nitong posibleng deformity sa kanang braso at malalim na sugat sa kanang talampakan. Agad na nilapatan ng paunang lunas ng grupo ang mga tinamong sugat biktima.

Kwento ng biktima, patawid siya sa intersection dahil naka-go signal na ang kanilang lane ngunit dumire-diretso umano ang truck na mula sa kanyang kaliwa at binangga siya.

Ayon sa isang saksi, matapos ang aksidente ay mabilis na tumakas ang nakabanggang dump truck. Sinubukan niya umano itong habulin upang makuha ang plaka subalit walang nakakabit sa likod nito.

Matapos lapatan ng first-aid ang biktima ay agad itong dinala ng UNTV News and Rescue Team sa Philippine Orthopedic Center para malapatan ng karagdagang atensyong medikal.

 

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,