Motorcycle rider na nabangga ng closed van sa Malabon City, nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | December 6, 2017 (Wednesday) | 9528

Sa paglilibot ng UNTV News and Rescue Team kaninang alas dos kuarentay singko ng madaling araw, naabutan ng grupo na nakaupo sa gitna ng kalsada ang biktima ng aksidente sa Mc. Arthur Highway corner Pinagtipunan Circular Road.

Kinilala ang biktima na si Edilberto Herrera, 22 anyos isang factory worker. Namimilipit pa ang biktima sa tinamo niyang pamamaga sa kaniyang collar bone at may mga gasgas din ito sa kamay at binti na nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue.

Ayon sa inisyal na ulat ng Malabon Traffic Sector, binabagtas ng motorsiklo ang Mc. Arthur Highway nang mabangga nito ang palikong closed van sa Pinagtipunan Circular Road.

Ayon naman sa driver ng closed van nakapasok na siya sa intersection nang mabangga ang motorsiklo. Matapos makuhanan ng vitals signs at lapatan ng kaukulang pangunang lunas si Herrera, dinala na ito Valenzuela Citicare Hospital at sinamahan ito ng kaniyang mga kaanak.

Samantala, matatawagan naman ang UNTV News and Rescue Team sa hotline number na 911-8688 at ang Malabon Rescuers sa 921-6009 at 921-6029.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,