Motorcycle accident sa Commonwealth Avenue, nirespondehan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | January 16, 2018 (Tuesday) | 3745

Wala sa wisyo at lasing kaya umano naaksidente ang trenta y sais anyos na si Romeo Mararac sa bahagi ng Commonwealth Avenue, Quezon City kaninang alas dose y medya ng madaling araw.

Ayon sa motorcycle rider na nakakita sa pangyayari, bigla na lamang umanong nag slide ang minamanehong motorsiklo ng biktima.

Nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team si Mararac na nagtamo ng hiwa sa mukha, mga gasgas sa balikat at tuhod at isinugod sa East Avenue Medical Center.

Samantala, isa pang aksidente ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team sa Quezon City kaninang madaling araw.

Naidlip umano habang nagmamaneho ang taxi driver na si Nestor Dulay, 63 anyos kaya bumangga sa concrete barrier sa gilid ng West Avenue, pasado ala una kaninang madaling araw.

Dahil sa pangyayari, nagtamo ng sugat sa noo at gasgas sa mga binti ang pasahero nito na si Elbert Palacat na nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team at saka inihatid sa East Avenue Medical Center.

Tumanggi ng humarap pa sa camera ang taxi driver ngunit nangakong sasagutin ang gastusin sa pagpapaospital ng biktima.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,