Modernong mga bus, inilunsad ng DOTr

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 4410

Bukod sa modernong mga jeep, iprinisinta na rin ng Department of Transportation (DOTr) sa publiko noong weekend ang mga makabagong bus na papasada sa mga lansangan sa Metro Manila.

Tulad ng mga bumibiyahe na point to point buses, lahat ng modernong bus unit ay pawang mga airconditioned. Mas malawak at mas kumportable na rin ang mga upuan nito na maari pang i-recline sakaling gustong matulog ng pasahero.

Mayroon rin itong pwd ramp, CCTV, dashcam, free wifi connection, Global Positioning System (GPS) at speed limiter.

Automated fare collection na rin ang sistema ng pagbabayad ng pasahe dito. May sarili na rin itong banyo, refrigerator at personal entertainment set.

Idinesenyo ang mga naturang bus para sa mahabang biyahe patungo sa mga probinsya, habang ang iba naman ay papasada sa mga ruta sa Metro Manila, pero hindi pa masabi ng DOTr kung kailan ito magsisimula.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Road Transport Mark De Leon, darating din ang panahon na tuluyan nang papalitan ang mga lumang bus na pumapasada ngayon.

Naniniwala naman si LTFRB Chairman Martin Delgra, malaki ang maitutulong sa upang maibsan ang problema sa traffic kapag pumasada na ang modernong mga bus.

Ito’y dahil sa mas malaki ang kapasidad nito, at posibleng mahikayat na rin ang private car owners na sumakay ng public transportation.

Bukod sa mas maayos na transportasyon, dagdag pa ng LTFRB malaking rin ang maitutulong ng PUV modernization program upang maiwasan na maulit pa ang mga aksidente na kinakasungkatan ng mga lumang bus, na ikinamatay ng ilan sa ating mga kababayan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,