Mocha Uson, napilitang magbitiw sa pwesto alang-alang sa kapakanan ng PCOO

by Radyo La Verdad | October 4, 2018 (Thursday) | 4038

Bagaman walang planong mag-resign noong una, pero nanaig kay former Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson ang kapakanan ng kanilang tanggapan kaya siya nagbitiw sa pwesto.

Sa panayam ng programang Get it Straight with Daniel Razon kay Uson, sinabi nito na pinakiusapan siya noon ni PCOO Secretary Martin Andanar na huwag tuligsain ang mga mambabatas upang hindi na magkaproblema sa pagpapasa ng panukalang budget ng kanilang opisina.

Ayon kay Mocha, ngayong wala na siya sa pamahalaan, malaya na niyang matutuligsa ang mga mambabatas na kumokontra sa administrasyon.

Ayon kay Uson, bago siya nag-resign, may ilang grupo din na kaalyado ng mga makakaliwang grupo ang nais siyang mawala sa PCOO.

Dahil umano ito sa naging panayam niya sa mga lider ng mga tribo sa Mindanao na umano’y tinatakot ng CPP-NPA.

Aniya, siyam na opisyal din ng PCOO ang gusto siyang patalsikin sa ahensya.

Kahit wala na siya sa pamahalaan, tuloy pa rin siya sa pagtulong sa publiko at nangako si Special Assistant to the President Bong Go na tutulungan siyang maiparating sa Pangulo ang problema ng mga ordinaryong Pilipino.

Wala pa rin aniya siyang desisyon kung tatakbo ba sa 2019 elections.

Pero kung magiging mambabatas ito ay nais niyang bumalangkas ng batas na magbibigay ng maaayos na hanapbuhay sa mga Pilipino lalo na sa mga OFW.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,