MMDA, nilinaw na panukala pa lamang ang pagbabawal sa mga motorsiklo na dumaan sa Edsa

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 3053

Inulan ng batikos mula sa ilang grupo ng motorcycle riders ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority na ipagbawal na ang pagdaan ng motorsiklo sa kahabaan ng Edsa.

Noong Linggo, bahagyang nagdulot ng pagbagal ng trapiko sa Edsa ang ginawang protest caravan ng daan-daang motorcycle riders upang tutulan ang plano ng MMDA.

Ngunit kahapon, ipinaliwanag ng MMDA na isa pa lamang itong panukala at wala pang kasiguraduhan ang implementasyon nito.

Ayon sa tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago, kabilang ang planong pagbabawal ng motorsiklo sa Edsa sa mga agendang tinalakay sa huling Metro Manila Council.

Paliwanag nito, walang kapangyarihan ang MMDA na magpatupad ng mga bagong batas trapiko, maliban na lamang kung ito ay napagkasunduan at inaprubahan ng 17 mayor ng Metro Manila.

Bunsod nito, nakiusap ang MMDA sa mga motorcycle rider na maging mahinahon at huwag munang magsagawa ng mga pagkilos laban dito.

Sa datos ng MMDA, umaabot na sa halos pitumpung libong motorsiklo ang dumaraan sa Edsa kada araw.

 

( Joan Nano / UNTV Correspodent )

 

Tags: , ,