MMDA, nakahanda na sa bulto ng mga makikiisa sa prusisyon sa Quiapo

by Jeck Deocampo | January 7, 2019 (Monday) | 1663
Dumadagsa na ang mga deboto sa Quiapo Church ilang araw bago ang Traslacion 2019. (UNTV Drone Journalism/ Rolly Dimawalo)

METRO MANILA, Philippines – Nagsimula nang magtalaga ng mga tauhan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Quirino Grandstand sa Ermita, Maynila simula kahapon.  Ito ay para sa inaasahang pagdating ng mga tao sa pagsisimula ng mga aktibidad kaugnay ng taunang ‘Traslacion.’

350 MMDA personnel ang unang ipinakalat upang tumulong sa pagsasaayos ng trapiko partikular ang Western Traffic Enforcement Division. Madaragdagan pa ito ng 500 MMDA personnel sa araw mismo ng prusisyon sa Miyerkules upang umantabay sa daraanan ng mga sasama.

Kaugnay nito, isasara sa trapiko sa Miyerkules ang Katigbak Drive at Padre Burgos Avenue hanggang sa bahagi ng Taft Avenue patungo sa Jones Bridge at ilan pang lansangan sa Quiapo area kung saan dadaan ang traslacion.

Nakatalaga rin ang Metro Parkway Clearing Group upang masiguro na walang nakahambalang sa dadaanan ng prusisyon. Tutulong naman sa crowd control ang Sidewalk Clearing Group habang ang street sweepers ang agad na maglilinis ng mga kalat na maiiwanan ng mga deboto.

Mangunguna naman ang Road Emergency Group and Public Safety Division ng MMDA sa emergency and medical assistance.  

Magtatalaga ng traffic mobile patrols, ambulances, road emergency vehicles, mobile surveillance and communication units at iba pang kaukulang gamit at sasakyan gaya ng ferry boats ng Pasig River Ferry Service sa Jones Bridge.

Makikipagtulungan din ang iba’t ibang ahensya ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagpapanatili ng peace and order sa lugar habang isinasagawa ang naturang aktibidad.

Mangunguna bilang sa first emergency response unit ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council katuwang ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC).

Inaasahan ng MMDRRMC na magiging maganda ang panahon sa Miyerkules kaya’t maaaring umabot sa 13 hanggang 15 milyong indibidwal ang makikilahok sa naturang prusisyon.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,