MMDA kokonsultahin muna ang Office of the Solicitor General kung itutuloy pa ang dry run ng Provincial Bus Ban sa Edsa.

by Erika Endraca | August 5, 2019 (Monday) | 11876

MANILA, Philippines – Pansamantalang ipinatitigil ng korte ang pagpapatupad sa Provincial Bus Ban sa Edsa.

Base sa inilabas na writ of preliminary injuction ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) branch 223 noong Biyernes (August 02, 2019), inaatasan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB)  na huwag munang ipatupad ang Provincial Bus Ban habang patuloy pang dinirinig ang kasong isinampa laban dito.

Magiging epektibo ang kautusan ng korte matapos makapaglagak ng 1-Million Pesos bond ang mga provincial bus operator.

Binibigyan din ng korte ng hanggang August 14 ang  Office of the Solicitor General na kumakatawan sa  MMDA at LTFRB para sagutin ang kasong inihain ng mga bus operator.

Ito na ang huling extension na ibibigay ng korte sa MMDA at LTFRB para sagutin ang naturang kaso. Dahil doon posibleng hindi na matuloy ang dry run nito sa August 7.

Samantala sa isang mensahe sinabi ni MMDA Traffic Chief Edison Bong Nebrija, na kokonsultahin muna nila ang Office of the Solicitor General ukol sa susunod nilang hakbang.

Bukod sa inihaing kaso sa QC RTC, ilang petisyon rin kontra sa provincial bus ban ang nakakabinbin at hinihintay na madesisyunan ng korte suprema.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,