MMDA, desididong ituloy ang reklamo sa babaeng motorista kahit humingi na ito ng paumahin sa kanila

by Radyo La Verdad | August 16, 2018 (Thursday) | 3572

Desidido ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ituloy ang paghahain ng reklamo laban sa babaeng nagviral ang video sa social media matapos makipagtalo sa mga traffic law enforcer ng MMDA.

Sa video na ipinost sa facebook ni Gadget Addict, makikita ang lady driver na matapang na nakikipagaway sa MMDA enforcer matapos siyang mahuli dahil sa illegal parking. Nagpatuloy sa pagmamatigas ang babae hanggang dumating na si MMDA Special Task Force Operations Head Bong Nebrija.

Sa huling bahagi ng video, makikitang dumating na rin ang asawa nito na sumali na sa pakikipagtalo sa mga tauhan ng MMDA hanggang sa tuluyan na itong umalis.

Ayon sa MMDA, hindi nila mapapalagpas ang naturang insidente. Bunsod nito, naghain na sila ng pormal na reklamo sa Land Transportation Office (LTO).

Bukod dito, pinaplano rin ng ahensya na sampahan ng direct assult ang babae sa korte dahil sa tangka umano nitong pananagasa sa isa sa kanilang enforcer.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Justice (DOJ) kung saan sinasabing nagtatrabaho ang babaeng motorista at nangako si Sec. Menardo Guevarra na bibigyang pansin ito.

Personal namang nagtungo ang mag-asawa sa tanggapan ng MMDA kahapon upang humingi ng tawad sa kanilang nagawa.

Tumanggi na ang mga ito na magpa-unlak ng panayam sa media at sa halip ay binasa na lang nila ang kanilang statement sa insidente.

Sa kabila nito, desidido ang MMDA na ituloy ang paghahain ng reklamo laban sa babae.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,