MMDA, aminadong nahihirapang i-monitor ang mga sasakyang heavily tinted kung nakasusunod sa car pool lane sa Edsa

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 3314

Umabot sa higit isang libo at tatlong daang motorista ang namonitor ng MMDA na hindi sumunod sa unang araw ng dry-run ng panukalang HOV lane o carpool lane sa Edsa.

Gamit ang mga CCTV sa MMDA metrobase sa Makati City, mahigpit na binantayan ng MMDA ang pagdaan ng mga pribadong sasakyan na may 2 o higit pang  pasahero sa ika-limang lane ng Edsa.

Bukod sa CCTV, mayroon ring 3 handycam ang mga enforcer ng MMDA na nakapwesto sa mga overpass para sa mas malinaw na pagkuha ng video. Sa kabila nito, marami pa ring mga motorista ang hindi nababantayan ng MMDA dahil lubhang makapal ang tint ng ibang mga sasakyan.

Sa pinakahuling datos ng MMDA kahapon, umabot sa halos 4 na libong mga sasakyan ang hindi matukoy ang bilang ng mga pasahero, ito’y dahil hindi na ito kayang makunan pa ng mga CCTV.

Ang Land Transportation Office ang ahensya ng pamamahalaan na siyang may responsibilidad sa pag-regulate ng tint ng mga sasakyan. Dati nang sinabi ng LTO na muli nilang pag-aaralan ang mga regulasyon sa car tint at magpapalabas ng mga bagong panuntunan sa paglalagay nito.

Nilinaw naman ng MMDA na sa ngayon ay hindi pa opisyal ang implementasyon ng carpool lane  at sa Biyernes pa sila maglalabas ng kanilang initial assesment.

Sakaling matuloy ang implementasyon nito, papatawan ng parusa sa reckless driving at disregarding traffic sign ang motorista na hindi susunod sa carpool lane na may multang aabot sa 650 pesos.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,