Dumating ngayong araw sa Senado si 2015 Miss Universe Pia Alonzo Wurtzbach upang tanggapin ang paggawad ng parangal ng mataas na kapulungan ng Kongreso dahil sa pagkapanalo ni Wurtbach sa prestilhiyosong Ms.Universe pageant noong December 20 na ginanap sa Planet Hollywood Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada, USA.
Alas onse ng umaga kanina ang itinakdang seremonya para kay Pia ngunit dumating ito ng mas maaga.
Habang hinihintay si Senate President Franklin Drilon sa pagsisimula ng seremonya,sinamahan si Wurtzbach nila Senador Sonny Angara at Senator Grace Poe sa Recto room.
Sa pormal na pagsisimula ng seremonya,iginawad kay Pia ang kopya ng Senate Resolution 111 kung saad nakasaad ang malugod na pagbati sa dalaga sa pagbibigay parangal sa Pilipinas dahil sa pangatlong pagkakataon ay naiuwi ng bansa ang korona ng Ms.Universe.
Nagbigay ng maikling talumpati si Ms.Universe Pia Wurtzbach at sinabi nitong labis siyang nagagalak dahil sa wakas matapos ang halos dalawang buwan ay nakauwi ito sa bansa.
Matapos ang talumpati at parangal kay Pia,nagkaroon ng photo opportunity ang mga manggagawa ng Senado.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Franklin Drilon na nagpahayag si Pia ng malaking interes sa pagpasok sa politika at sinabi nito na bibigyan niyang pansin ang pagsugpo sa HIV at pagsusulong sa gender equality.
(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)